Ano ang Panitikan?

 Buhat sa iba't ibang makata, manunulat o dalubhasa ay makakukuha tayo ng mayayamang pagpapakahulugan kung ano ang panitikan. Laman ng lahat nang panimula ng anumang aklat sa panitikan ang pagbibigay kahulugan rito. Ngunit sipatin natin ito sa isang payak na pagtingin lamang at mula rito ay palaguin natin ang ating pakpak ng pagpapaliwanag. Kaya't paliparin natin ang ang ating isipan kasabay ng kahulugang "panitikan ay salamin ng buhay."


Ito ang palasak na pagpapakahulugang ating maririnig na iniuugnay sa tuwina sa panitikan. Ngunit ano nga ang ang ibig sabihin na ang panitikan ay "SALAMIN NG BUHAY?" Maraming genre ang panitikan at alinman sa mga ito ay kakikitaan natin ito ng mga paksain na nauukol sa buhay ng tao. Ang panitikan ay sinusulat mula sa iba't ibang karanasan ng tao, kaganapan sa buhay ng tao, mula sa lipunan na ginagalawan ng tao at sinusulat ito para din sa tao. 


Kung saan nagmulang lugar o bansa ang isang akda/panitikan ay malinaw na mababakas at mababakas natin ang lugar na ito. Kaya't makikita o masaalamin ang buhay na mayroong sa pinagmulang lugar ng akda. ang mga paghuhugis ng tauhan, tagpuan, o kagapanang pangyayari ay hinuhugot rin ng manunulat sa kapaligirang pamilyar sa kaniya o sa kung saan siya nagmula. Kung ano ang mga karaniwang makikita sa lugar na iyon, ano ang usong gamit, mabiling pagkain, palagiang ginagawa ng mga tao ay lalabas at lalabas rin sa kanyang sinulat na akda ang mga kahalintulad ng ganitong lugar. Eto ay unang paliwanag kung paanong nasasabing ang panitikan ay salamin ng buhay.


Ikalawa, kung ang akda/panitikan ay mayrong tauhan at maraming tauhan ang kabilang rito. Mag-iba-iba man ang karakter ng bawat tauhan, ang mga ito ay kakatawan sa mga kaugalian na makikita sa iba't ibang tao na nasa lipunang kinabibilangan/pinagmulan ng akda. Ang paraan ng pag-iisip, pagsasalita, pagbibihis at kagawian ay masasalamin at masaalamin natin sa mga tauhang nabuo sa akda.


Ikatlo, maging ang mga pangyayari ay nagpapakita rin na ito ay repleksyon ng buhay ng mga tao kung saan mula ang sinulat na akda. Ang mga paniniwala, tradisyon o kultura na maaaring sinusunod ng mga tauhan sa akda. Ang pagsasaalang-aalang ng kultura, paniniwala o tradisyon sa kung paano gumaganap ang mga tauhan, paano kumikilos, paano tumutugon hanggang sa pamamaraan ng kanilang pamumuhay ito ay repleksyon ng tunay na buhay mula sa pinaghugutang lipunan ng panitikan.


Ikaapat, ang panitikan ay salamin ng buhay sapagkat hindi lamang ang isipan ng tao ang mababakas sa mga sinulat na akda bagkus maging ang mga damdaming nakapaloob sa bawat akdang pampanitikan ay mula rin sa mga damdamin ng tao sa pinagmulang nito. Ang ang banayad, masuyo o marahas na tibok ng puso sa linmang tula o panitkan ay hinugot mula sa damdamin ng tao. Tanging ipinapakita lamang ng akda/panitikan ang mga damdaming nagmumula sa tao.


At huli, ang alinmang paksa ng anumang uri o genre ng panitikan ay siyang maliliit na pitak na nagmumula sa buhay ng tao. Ito ang mga kapilas ng bawat halakhak, ang mga patak ng bawat luhang nasaktan, ang bawat ngiti ng sayang walang hanggang o ang kuyom ng pighating pagtataksil. Sinilip at pinitas ang mga paksa ng panitikan mula sa maliliit na piraso ng buhay ng tao.


Sa kabuuan, maaaring ang iisang akda ay maikli, payak at karaniwan ngunit higit sa buhay ng iisang tao ang maaaring mabakas na pinaghugutan nito. Patunay lamang na ang panitikan ay sumasalamin sa buhay ng tao.




Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Isyung pangwika na kinakaharap ng Wikang Filipino sa kasalukuyan

PAGSUSURI NG KURIKULUM SA ELEMENTARYA 2

Pananaliksik Draft ng Kabanata 1 (Isang Halimbawa)