Ang Buhay ng Tao Tula ni Jose Corazon de Jesus (Pagsusuri)
A.
Sining ng Pagtula
1.
Sukat- Ang tulang ito ay mayroong sukat o
pagkakapare-pareho ng bilang ng pantig ng dalawa o higit pa sa bawat taludtod
sa loob ng isang saknong ng tula. Sa aking pagsusuri mayroong 12 dalawang
pantig ang bawat taludtod o mas kilala sa tawag na lalabindalawahin. Lahat ng saknong ay naglalaman ng
parehong sukat o sa kabuuan ay mayroong 48 pantig ang bawat saknong. Nasa ibaba
ang naging pormat ng aking pagsusuri ng sukat o bawat pantig sa loob ng bawat
taludtod.
Unang Saknong:
12-12-12-12
Ikalawang Saknong:
12-12-12-12
Ikatlong Saknong:
12-12-12-12
Ikaapat na
Saknong: 12-12-12-12
Ikalimang Saknong:
12-12-12-12
Ikaanim Saknong: 12-12-12-12
Ikapitong Saknong:
12-12-12-12
Ikawalong Saknong:
12-12-12-12
2.
Tugma- Maituturing na may
tugma ang isang tula kapag magkakapareho ang tunog ng dulo ng dalawa o higit
pang taludtod. Hindi lamang titik ang nauulit kundi ang tunog o ang ponema. Sa tulang
ito hindi pare-pareho ang tugmang aking natagpuan. Narito ang aking suri:
· Unang Saknong: ang tugmaan nito ay may maituturing na
tugma sa katinig o tugmaang di-ganap na napabibilang sa unang lipon kung saan
makikita ang mga katinig na t-d-s-s na siyang nasa dulo ng mga taludtod
sa unang saknong ng tula na Ang Buhay Ng
Tao.
· Ikalawang Saknong: ang tugmaan naman nito ay
maituturing rin na tugma sa katinig o tugmaang di-ganap na pumapasok naman sa
una at ikalawang lipon kung saan napabilang ang mga katinig na n-n-y-g na siyang nasa dulo ng mga taludtod sa
ikalawang saknong ng tula.
· Ikatlong Saknong: ang tugmaan nito ay tugma pa rin
sa katinig o tugmaang di-ganap na pumapasok muli sa unang lipon kung saan
napabilang ang mga katinig na g-t-s-k na siyang nasa dulo ng mga
taludtod sa ikatlong saknong ng tula na Ang
Buhay Ng Tao
· Ikaapat na Saknong: ang tugmaan nito ay may maituturing
na tugma sa katinig o tugmaang di-ganap na pumapasok sa ikalawang lipon kung
saan napabilang ang mga katinig na y-n-n-n na siyang nasa dulo ng mga
taludtod sa ikaapat na saknong ng tula.
· Ikalimang Saknong: ang tugmaan nito ay may
maituturing na tugma sa katinig o tugmaang di-ganap na kabilang sa unang lipon
kung saan kasama ang mga katinig na t-d-s-s na siyang nasa dulo ng mga
taludtod sa unang saknong ng tula na Ang
Buhay Ng Tao
· Ikaanim na Saknong: ang tugmaan nito ay may
maituturing na tugma sa patinig o tugmaang ganap dahil ito ay mayroong patinig
kahit na ang anyo nito ay salitan ng patinig at katinig. Makikita ang dulo ng
taludtod sa ikaanim na saknong na nagtatapos sa g-o-t-o
· Ikapitong Saknong: ito rin ay maituturong na tugma sa
patinig o tugmaang ganap dahil ito ay nagtatapos sa patinig. Makikita ang dulo
ng taludtod na mayroong a-a-a-a at ang tila magkakasintunog na
la-ha-da-da na siyang matatagpuan sa dulo ng bawat taludtod sa ikapitong saknong.
· Ikawalong Saknong: dito muling makikita ang tugma sa
katinig o tugmaang di-ganap na nabibilang sa unang lipon dahil ang huling
saknong ay binuo ng mga taludtod na may dulong g-g-s-g.
3.
Sensura- ito ay ang
pansamantala o bahagyang pagtigil sa gitnang bahagi ng taludtod na mayroong
labindalawa at labinwalong pantig sa loob ng isang taludtod. Ang tulang ito ay
mayroong labindalawang pantig sa bawat taludtod kung kaya’t ang sensura ng
bawat taludtod karamihan ay nasa ika-anim na pantig. Nasa ibaba ang sipi na may
pinakikitang sensura:
Inakay na munting/ naligaw sa gubat,
ang hinahanap ko’y/ ang sariling pugad;
ang dating pugad ko/ noong mapagmalas
nang uupan ko na/ ang laman ay ahas.
Oh! ganito pala/ itong Daigdigan,
marami ang sama/ kaysa kabutihan;
kung hahanapin mo/ ang iyong kaaway,
huwag kang lalayo’t/ katabi mo lamang.
Ako’y parang bato/ na ibinalibag,
ang buong akala’y/ sa langit aakyat;
nang sa himpapawid/ ako’y mapataas,
ay bigat ko na rin/ ang siyang naglagpak.
Mahirap nga pala/ ang gawang mabuhay,
sarili mong bigat/ ay paninimbangan,
kung ikaw’y mabuti’y/ kinaiinggitan,
kung ikaw’y masama’y/ kinapopootan.
At gaya ng isdang/ malaya sa turing
ang langit at lupa’y/ nainggit sa akin;
subalit sa isang/ mumo lang ng kanin,
ako’y nabingwit na’t/ yaon pala’y pain.
At sa pagkabigo’y/ nag-aral na akong
mangilag sa mga/ patibong sa mundo;
kahit sa pagtulog,/ huwag pasiguro’t
bangungot mo’y siyang/ papatay sa iyo.
Ang buhay ng tao/ ay
parang kandila
habang umiikli’y/ nanatak ang luha;
buhat sa pagsilang/ hanggang sa pagtanda,
ang luksang libinga’y/ laging nakahanda.
Ang palad ay parang/ turumpong mabilog,
lupa’y hinuhukay/ sa ininug-inog;
subalit kung di ka/ babago ng kilos,
sa hinukayan mo’y/ doon mahuhulog.
4.
Saknong- ito ay ang grupo
sa loob ng isang tula na binubuo ng dalawa o higit pang linya o taludtod. Sa
kabuuan ng tula, mayroon itong walong saknong na binubuo ng apat na linya o
taludtod (quatrain) bawat isang saknong.
5.
Aliw-iw o Indayog-
Ang
tula ni Jose Corazon De Jesus na Ang Buhay ng Tao ay nagtataglay ng aliw-iw o
indayog maliban sa ito ay tradisyunal, kung babasahin sa ang tula sa tulong ng
sensura, nagkakaroon ng Indayog o taas-babang pagbigkas.
6.
Larawang Diwa- ito ang mga
salitang binabanggit sa tula na nag-iiwan ng malinaw at tiyak na larawan sa
isipan ng mambabasa. Sa tulang ito ang mayroong malinaw at tiyak na larawan sa
aking isipan ay ang:
Oh! ganito pala/ itong Daigdigan,
marami ang sama/ kaysa kabutihan;
kung hahanapin mo/ ang iyong kaaway,
huwag kang lalayo’t/ katabi mo lamang.
Kung susuriin malinaw ang mensaheng nais
ipahatid, hindi gaanong malalim at tiyak ang binibigay na larawan ng mga
ginamit na salit.
7.
Simbolismo- ito ang mga salita
sa tula na may kahulugan sa mapanuring isipan ng mambabasa.
Inakay,
Pugad, Bato at Isda- ito ang mga salitang nagsisilbing simbolismo ng
kabuuan ng tula kung saan ginamit ang salitang Inakay upang maging simbolo ng isang bata, musmos, o taong tila walang
muang na nakikipagsapalaran, at tulad ng
isang Bato siya ay nag-aakalang may
kaginhawang mararanasan kapag siya’y naihagis sa itaas ngunit dahil siya’y may
kabigatan o mga dalahin sa buhay na pumipigil sa kanya ay ‘di magawang
makaahon. Isda naman na akala mo’y
malaya ngunit madaling mabingwit o mapain, kung ikukumpara sa buhay ng tao ay
ito ang mga taong madaling masilaw o matukso maaaring sa pera, materyal na
bagay at maaaring sa mga maling desisyon sa buhay.
8.
Talinghaga- ito ay sangkap ng
tula na may kinalaman sa natatagong kahulugan ng tula o ‘di kaya’y ito ang ‘di
tiyakang tumutukoy sa bagay na binabanggit.
Ahas- ang ahas ay isang
salita na kapag ginamit sa tao ay nangangahulugang masama, kaaway o mang-aagaw.
Kandila- ito ay ginamit
bilang tayutay na simili o pagtutulad sa buhay ng tao na nauubos o
nangangahulugang may hangganan.
Turumpong
mabilog- ito ay ginamitan
ng isa sa halimbawa ng tayutay na simili o pagtutulad kung saan ginamit ang
turumpong mabilog bilang pagkukumpara sa palad o kapalaran ng tao na paikot-ikot
at kapag nanatili sa kung anong hindi magandang ginagawa niya ay parang turumpo
na maghuhukay sa kanyang kahuhulugan nito.
9.
Persona- ito ang
nagsasalita sa loob ng tula o isang teksto. Sa tulang ito ang makata ang
nagsisilbing persona ng sarili niyang akda. Maaaring siya ay nagbabahagi ng
kanyang karanasan sa buhay o mga bagay na nakikita niya sa kaniyang paligid.
B.
Mga Teoryang
Pampanitikan
1.
Teoryang
Imahinismo
Ang
tula ay gumamit ng mga imahen na higit na maghahayag sa mga damdamin, kaisipan,
ideya, saloobin at iba pang nais na ibahagi ng may-akda na higit na madaling
maunawaan kaysa gumamit na mas malalim pa na mga salita, sa halip ay gumamit ng
paglalarawan at tuwirang naglahad ng mga imahen na layong ilantad ang totoong
kaisipan ng pahayag sa loob ng panitikan. Karaniwang taglay ng isang tula ang
gumamit ng mga salita na nagsisilbing imahen tungo sa mas malalim pang
pagpapakahulugan.
2.
Teoryang Realismo
Ang tula ay nagpapakita ng mga karanasan
at maaaring nasaksihan ng may-akda o makata sa kanyang lipunan o kinalalagyan.
Samakatuwid, ang tula ay hango sa totoong buhay ngunit hindi tuwirang totoo
sapagkat isinaalang-alang ng may-akda ang kasiningan at pagkaepektibo ng
kanyang sinulat.
C.
Kabuuang Sariling
Puna
Si Jose Corazon De
Jesus ay kilalang manunulat at makata hindi lamang ng iisang akda. Siya rin ay
tinaguriang Unang Hari ng balagtasan dahil sa husay nito. Kadalasan sa mga
piyesang nasusulat niya ay patungkol sa reyalidad partikular na sa pag-ibig,
pagsubok o hamon sa buhay. Ang kanyang tulang pinamagatang Ang Buhay ng Tao ay
patungkol sa normal at makatotohanang karanasan ng tao sa buhay. Sa pagsusuri
sa pamamagitan ng sining ng pagtula natuklasan ko na ang lahat ng elemento ay
tinataglay nito na siya ring nagpapakita ng mga dapat taglayin ng isang
tradisyunal na tula. Mayroong Sukat at Tugma, may pareho o pantay na bilang ng
taludtod sa saknong, wasto ang hinto o sensura sa ika-anim na pantig at angkop
ang mga salitang ginamit upang mabuo ang paglalarawang tinatangkang ipahayag ng
may-akda. Mahusay ang pagkakabuo o estruktura ng tula at hindi palasak ang mga
salitang ginamit. Hindi huwad, ngunit hindi rin mahirap tuklasin ang nakatagong
mensahe nito.
Ang unang at
ikalawang saknong ng tula ay patungkol sa pakikipagsapalaran niya sa buhay na
kung saan ang mga bagay na iningatan mo ay maaaring masira, maagaw o maging
masama. Inilarawan rin na ang mundo ay nababalot ng kasamaan at mga taong pinagkakatiwalaan
ngunit traydor pala.
Ang ikatlo
hanggang sa ikalima na saknong naman ay maaaring patungkol sa paghahangad niya
sa isang bagay, katungkulan, kapangyarihan o nakatataas na estado ng buhay
ngunit dahil sa kaniyang nakaraan, pinagdaanan o kasalukuyang bitbit na
kabigatan ay hindi magawang maabot ito. Nabanggit din na sa buhay maging mabuti
o masama ka ay tila walang pagkakaiba dahil sa inggit at poot na taglay ng tao,
at ang sunod ay ang pagkukumpara sa tao o sarili bilang isdang akala mo’y
malaya ngunit madaling mapain na maaaring sa tao ay madaling masilaw o matukso
sa mga materyal na bagay o masamang gawain.
Ang ikaanim
hanggang sa ikawalong saknong ay patungkol sa kaniyang reyalisasyon sa buhay.
Sa kabila ng mga karanasan ay kanyang pinulot ang pagkatuto. Napagtanto rin sa kaniyang
mga karanasan na huwag padadala sa tukso ng kasamaan at pahalagahan ang buhay
dahil tulad ng kandila na nauubos at may hangganan. At sa huli, ang kapalaran o
buhay ng tao ay parang trumpo na kung hindi mo pipiliin ang magbago magpapaikot-ikot
ka lamang o mananatili sa ‘di tuwid na gawain na siyang maghuhukay o magdudulot
ng ikakabagsak mo.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento