Ang Wika sa Kasalukuyang Panahon

 Saan na nga ba nakatayo ang ating wika sa kasalukuyan? Ano na ba ang kalagayan ng wikang Filipino sa sarili nitong bakuran? Ang mismong mamamayan ba ng wikang ito'y nananatiling nagbibigay-pugay at nakikiisa sa paglinang nito?

Ilan lamang ito sa mga katanungan na maaari nating maisip kung ang pag-uusapan ay ang kalagayan ng ating wikang Filipino sa ating lipunan sa kasalukuyang panahon. Sa galawan ng mamamayang Filipino ngayon na tunay namang napakaabala ng bawat isa, ipagpalagay pa ang "new normal" setting ngayon at maraming pagbabago tulad ng "work from home" at "online classes" ay hindi pa rin natutuwid ang baluktot na katayuan ng wikang Filipino sa maraming aspeto ng buhay ng tao. Sa malimit na paggamit ng wika, mas madalas ay laging wikang Ingles ang ginagamit natin. Gaya ng isang simpleng panayam sa mga mag-aaral sa kindergarten, na lumalabas na 90% ng mga mag-aaral ay mas natutukoy ang mga larawan?bagay na ipinakita sa kanila ay sa Ingles ito unang nakikilala o natutukoy bago pa nila sasabihin kung ano ito sa Filipino. Iyan pa ay kung alam nga ba nila sa Filipino. Pawang ang mga mag-aaral na napabilang sa nasabing panayam ay mga batang nag-aaral sa pamprobadong paaralan at nililinang ang mga mag-aaral dito na maging mahusay sa paggamit ng wikang Ingles. Isa pang salik ay karamihan sa kanila ay tinuruan ng mga magulang na unang makapagsalita sa wikang Ingles. Kaya't hubad na hubad sila sa kaalaman sa sariling Wikang Filipino. Ito ay isa usapin pa lamang sa kalagayan ng Filipino kaugnay ng akademikong larangan.

Malaking hamon para sa mamamayang Filipino ang pagpapanatili, paglinang at pagpapayaman ng wikang Filipino. Ngunit hangga't hindi tayo bumibitaw sa pagkakakapit at pananatiling umaasa na tayo't laging masasagip ng paggamit ng wikang Ingles sa ating mga pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan sa iba't ibang gawain, hindi talaga natin maisusulong ang pagpapaunlad ng wikang Filipino. Masama pa't baka abuting ito'y unti-unting talikuran ng mga murang henerasyon na mismong magulang nila ang nagkakabit ng maskara sa kanilang mga anak sa paggamit ng wika. Inaakala tuloy ng mga batang ito na ang kanilang unang wika ay Ingles.

Gumising ka... maalimpungatan na tayo sa sigwa ng kaganapang ito. Dapat ay maging malinaw sa atin kung ano ang wikang Filipino para sa atin.... alalahanin ang hirap ng pinagdaanan bago ito napagtibay ng batas, at ang mga dugong nagsilbing bayad para sa tuluyang kalayaan ng bansa na kinakatawan rin ng pagkakaroon natin ng sariling wikang pambansa. Ikaw, ano ang ginagawa mo para sa mabuting katyuan ng wikang Filipino sa ating lipunan?


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Isyung pangwika na kinakaharap ng Wikang Filipino sa kasalukuyan

PAGSUSURI NG KURIKULUM SA ELEMENTARYA 2

Pananaliksik Draft ng Kabanata 1 (Isang Halimbawa)