Pagsusuri ng Kurikulum sa Elementarya
SEK. 6. Ang wikang
pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat
payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba
pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na
maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan
upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng
opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa Sistemang
pang-edukasyon. Ang wika ay isa sa esensyal na pangangailangan ng tao lalo na sa pang
araw-araw na buhay. Ito ang nagiging daan natin upang mas makakilala ng ibang
tao, magpalitan ng mga impormasyon at ito rin ang nagsisilbing identidad ng
bansa. At bilang Pilipino, ang wikang Filipino ang ating pinagkakaingatan
hanggang sa ngayon. Ngunit aminin natin o sa hindi, ang ibang mga tao ay tila
ba nahuhumaling na at nagpapalamon sa ibang mga umuusbong na lenggwahe at mas
minamahal ito kaysa sa sariling wika. Ayon kay Al Vitangcol, “Sa totoo lang,
marami akong kakilala na hindi itinuturo ang wikang Filipino sa kanilang mga
anak, kung hindi ang wikang Ingles. Sa tingin nila, mas mataas ang antas nila
sa lipunan kung sila ay magsasalita ng Ingles.” At labis ko itong
ikinalulungkot dahil para sa akin ay dapat bata pa lamang ay nasasanay na sila
upang lalong mapagyabong ito at ang kanilang kaalaman. Bukod sa magulang ay
mahalaga din ang gampanin ng paaralan o ng mga guro sa Elementarya dahil para
sa akin ang mga bata ay parang halaman na kinakailangan diligan at pangalagaan
upang yumabong ito. Dito ay masisimulan na nila matutunan ang kanilang paunang
kaalaman sa Filipino at kinakailangan na madala nila ito hanggang sa sila ay
humantong sa sekondarya. Kaya naman mahalaga ang Kurikulum ng Elementarya dahil
sa pamamagitan nito ay ang mga mag-aaral naisasama sa karanasang
pang-edukasyunal at tunay na makatutulong sa pagpapaunlad ng sitwasyon ng
lipunan na labis na kinakailangan ng mga bata sa elementarya.
Ang Disenyo ng Kurikulum
ang isa sa nagiging gabay ng paaralan pati ng mga guro upang tukuyin ang
nararapat na pagbibigay kaalaman sa mga mag-aaral. Ito ay isa sa makakatulong
upang mas mapabuti at mapagyabong ang kanilang kaalaman o maaari natin sabihin
na ang edukasyon at ang mahusay na disenyo ng kurikulum ay may kakayahan na
punan ang lahat ng kaalaman na kailangan para pangasiwaan ang lipunan at mundo. At para sa disenyo
ng kurikulum sa elementarya, nagsimula ang disenyo ng kurikulum sa mga layunin,
(Anu-ano ang mga layunin sa aralin?) Nilalaman, (ano ang paksa ng aralin?) Mga
kagamitan (Anu-ano ang mga kagamitang pampagtuturo na gagamitin ng guro?) Mga Istratehiya,
(Anu-ano ang mga pamamaraang gagamitin ng guro sa pagtuturo?) at nagtatapos sa
Pagtataya (Anu-ano ang mga panukat na gagamitin ng guro sa pagkatuto ng
mag-aaral. Ang disenyo ay mayroong tatlo, ang una ay ang Nakasento sa aralin o
Subject-Centered na tumatalakay sa kung anong paksa ang bibigyang pansin para
matuto ang mga bata halimbawa na lamang ng matematika, literatura at iba pa.
Ito ay isa sa mga karaniwang ginagamit lalo na ngayon sa K-12 Kurikulum at matatagpuan
sa mga pampublikong paaralan. Sumunod ay ang Learner-Centered Design na
binibigyang halaga ang pangangailangan, interes at kagustuhan ng mga mag-aaral.
Bata man ang madalas na kumikilos sa isang silid- aralan hindi pa din naman
nawawala ang trabaho ng guro sapagkat ginagabayan pa din nila ang mga gawain.
At ang huli ay ang Problem-Centered Design na tinuturuan ang mga bata kung
paano tingnan ang problema at mabigyan ito ng solusyon. Iminumungkahi sa kanila
na ang kanilang mga natututunan ay makatutulong sa realidad at makatutulong sa
araw-araw na buhay. Ang tatlong disenyo ay nakahanda upang makapili ang mga
guro ng kanilang ipapalaganap sa silid-aralan na sa tingin nila ay makatutulong
sa bata. Sa lawak/saklaw ng kurikulum sa elementarya at para sa mabisang
pagtuturo, ang mga tiyak na kasanayan ay nililinang sa pamamagitan ng mga
sitwasyon ng iba’t ibang kagamitan sa lubusang pagkatuto. Konsepto ng sibika at
kultura ang nilalaman ng Filipino sa una hanggang ikatlong baitang.
Tumungo
naman tayo sa layunin na tumutukoy sa adhikain ng edukasyon sa elementarya. Nagagamit
ang wikang Filipino upang madaling maunawaan at maipaliwanag ang mga kaalaman
sa araling pangnilalaman, magamit ang angkop at wastong salita sa pagpapahayag
ng sariling kaisipan, damdamin o karanasan nang may lubos na paggalang sa
kultura ng nagbibigay at tumatanggap ng mensahe. Kinakailangan na magkaroon
nito upang malaman kung ang layunin ba ay makatutulong sa bata at naging
epektibo. Nilalayon ng edukasyong elementarya na linangin ang ispirituwal,
moral at pisikal na mga kakayahan ng mga mag-aaral; magdulot sa kanila ng mga
karanasan sa demokratikong pamumuhay at ikintal ang kaisipan at saloobing
kailangan para sa isang matalino, makabayan, makatwiran at kapaki-pakinabang na
pamayanan. At malinang ang mga batayang kasanayan sa apat na malalaking aspeto:
pakikinig, pagsasalita, pagbabasa at pagsusulat. Mahirap turuan ang bata lalo
na kung wala ito sa pokus ngunit gabay natin ang layunin na sila ay matuto
hindi lamang sa pang-akademiko ngunit ang iba pang maaaring matutunan sa
kanilang pagkatuto. At para matamo ito mayroon ilang Gawain upang magkaroon ng
pangkabuuan na kahusayan ang bata.
Para
sa mga kasanayan sa edukasyong elementarya ay magiging daan sa pagkatuto sa
paggamit ng Wikang Filipino sa iba’t ibang kasanayan na tinatawag na Sining ng
Komunikasyon. Ang mga tiyak na kasanayang dapat linangin ay napapaloob sa
Learning Continum ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura at Isports para sa antas
elementarya. Pagbasa, na mayroon ding antas ng pagbasa na tinatawag na “Primaryang
Antas” na nagsasaad ng pinakamababang antas ng pagbasa at pantulong upang
makamit ang literasi sa pagbasa. Halimbawa na lamang nito ay sa pagbasa ng
mailing kwento, natutukoy ng mambabasa kung sino ang mga tauhan, katangian o
maging pangyayari ng kwento. Pakikinig, inaasahan na ang bata ay
paghinuha kung ano ang magiging paksa ng usapan o maaari din na nakikilala ang
mga tunog ng patinig/katinig na napapakinggan. Pagsasalita,
pumapangalawa sa limang makrong kasanayan. Maaaring pagbubuod ng kwentong
narinig o binasa sa guro, teyp o kaklase o kaya naman ay pagkukwento sa tulong
ng mga larawan. Pagsusulat, ay nakasusunod sa mga pamantayan sa
pagsulat, e.g. pag-upo, paghawak ng lapis, posisyon ng kamay atbp. O
naisasagawa ang maayos at wastong paraan ng pagsulat. At ang huli ay Pag-unawa
nauunawaan ang mga nakasaad sa libro o teksto at nakapagbibigay ng sariling
opinion na nauukol sa nabasa o kahit narinig. Mahalaga ang bawat kasanayan
dahil ang mga ito ang tutulong sa kanila na malampasan ang elementarya at
madala ang mga natutunan sa sekundarya.
Ang
kalakasan ng kurikulum sa elementarya ay binibigyang-diin ang paglinang ng
kaisipan ng mga bata na kasinghalaga rin ng kasanayan sa paggawa. Sinisigurado
na ang kurikulum ay talagang makatutulong sa pagpapalawig ng bokabularyo at
kaalaman ng mga bata sa Filipino. Patuloy pa din ang progreso nito upang
maibigay ang layunin at maisagawa ito ng maayos sa mga mag-aaral at nangangako
na magandang simula bago tumungo sa sekundarya. Ang nakitang kahinaan nito ay
ayon kay Virgilio Almario na tagapangulo ng KWF, kinakailangan pa daw ng
“closer relationship” ang komisyon ng DepEd, lalo pa’t walang ibang institusyon
na nag-aalaga sa Filipino bilang asignaturang itinuturo sa paaralan. Bukod pa
dito ay tinawag niyang “mababaw” ang kurikulum dahil aniya, kulang ito sa
kaalaman sa literatura at kailangan dagdagan ang mga akdang dapat pag-aralan ng
mga estudyante. Kung ako man ay may babaguhin sa Kurikulum ng Elementarya ay
ang istratehiya ng mga guro at nasabi ko yun base sa aking karanasan noong
elementarya. Kinakailangan na malaman muna ang mga hilig at atensyon ng mga
bata upang sila ay talagang making sayo ng lubusan. Ang bata ay mabilis mawala
ang pokus lalo na’t madami ang nakikita kaya mahalaga ang pagkuha sa kanila ng
atensyon upang mas malinawagan at may matutunan sila sa Wikang Filipino. At
upang mas mapabuti pa ang kurikulum sa kasalukuyan ay kinakailangan bigyang
pansin din ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil ayon sa aking guro na si
Ma’am Antiola ay hindi lamang lahat ng responsibilidad ng pag-aaral ng bata ay
sa paaralan bagkus ay mas marami ang nailalaan nilang oras sa tahanan at dapat
doon magsimula ang unang karunungan lalo na sa Wikang Filipino na dapat ay
ginagabayan nila upang mas mahasa at dumami ang kaalaman ng bata. Ang mga bata
ay nakadepende pa din sa kanilang mga magulang kaya naman nararapat din na sila
ay kahit papano turuan ang mga anak kahit nasa bahay lang dahil para sa kanila
din ang kanilang mga natututunan.
SANGGUNIAN:
https://www.slideshare.net/mobile/CharmaineMadrona1/ang-paglinang-ng-kurikulum
https://www.manilatimes.net/2019/08/17/opinion/columnists/ano-ang-saysay-ng-wikang-filipino/601294
https://www.scribd.com/doc/306079290/Kabanata-6-Diyenso-Ng-Kurikulum
https://www.slideshare.net/mobile/22003/pagtuturo-ng-filipino-sa-elementarya
https://tophat.com/blog/curriculum-development-models-design/
https://www.scribd.com/document/447894299/Ang-Pagtuturo-ng-Filipino-sa-Elementarya-sa-Batayang-Edukasyon-docx
https://www.slideshare.net/mobile/RochelleNato/antas-ng-pagbasa
https://www.academia.edu/27199914/Ang_pagtuturo_Ng_pakikinig
https://www.academia.edu/28500284/MGA_LAYUNIN_SA_PAGTUTURO_NG_PAGSASALITA
https://www.scribd.com/presentation/440019093/Mga-Layunin-Ng-Edukasyong-Elementarya-Edfill-300
https://www.google.com/amp/s/amp.rappler.com/nation/102511-filipino-k12-curriculum-virgilio-almario
https://ejournals.ph/article.php?id=9312
http://depedbohol.org/v2/wp-content/uploads/2016/03/Filipino-CG.pdf
https://prezi.com/ketllmme86rw/ang-batayang-kurikulum-sa-filipino-sa-antas-elementarya/
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento