PAGSUSURI SA KURIKULUM NG BAITANG 10 PARTIKULAR NA SA ASIGNATURANG FILIPINO

 

INTRODUKSYON

“Edukasyon ang susi sa tagumpay” isang palasak na kasabihan sa kasalukuyan ngunit masasabing may makabuluhang ipinahihiwatig. Ang edukasyon ay mahalagang parte ng buhay ng tao dahil dito hinuhubog ang ating pang kabuuang pagkatao. Sinuportahan nga ito ni Nate (1995) sa kanyang pahayag na ang edukasyon ay isang patuloy na kontroladong proseso na kung saan nag kakaroon ng pagbabago sa paguugali ng tao. Gaya na din ng sinabi ni Dr. Jose Rizal na “Kabataan ang Pag-asa ng bayan”. Paano ang kabataan kung walang edukasyon, walang masasabing matuwid at tamang daan. Dahil edukasyon ang nagtuturo sa tamang landas na dapat tahakin. Kaya’t sa puntong ito masasabing ang kurikulum ay isa sa may mahalagang gampanin sa pagpapatupad nag magandang edukasyon, ng sa gayon ay makamit ng mga mag aaral ang mga dapat nilang matutuhan at mapaghusayan.

Ang konseptong papel na ito ay naglalaman at naglalahad ng pagsusuri sa kurikulum ng baitang 10 partikular na sa asignaturang Filipino. Inaasahan sa papel na ito na matukoy at mabatid ang layunin at saklaw ng kurikulum sa baitang 10, maging mga kasanayan na dapat matamo ng mga mag aaral at disenyo ng kurikulum na akma para sa baitang na ito. Isa pa matutukoy rin dito ang kahinaan at kalakasan ng nasabing kurikulum.

Ang kurikulum sa baitang 10 ay isa sa mahahalagang binibigyan ng pansin sa kasalukuyan dahil sa kadahilanang sa puntong ito ay inihahanda ang mga mag aaral sa Senior High School kung saan may kalayaan sila na pumili ng isang espesipikong track at strand na sa tingin nila ay angkop para sa kanila, kung saan lilinangin at huhubugin naman nito ang kanilang mga kakayahan na may kinalaman sa ninanais nila na trabaho sa hinaharap. Masasabing ang kurikulum ng baitang 10 ay mas pinalalim partikular na sa Filipino dahil nga kung wala ang k-12 dapat sila ay papasok na sa kolehiyo. Ngunit, dahil sa pagbabago ng kurikulum  tatawaging “Junior High Completer” ang mag magsisipagtapos sa baitang 10. Sa kabila man ng pagbabago na ito, mababatid pa rin ng mga mag aaral ang mahahalagang aral na nakuha nila mula rito dahil mas naging mahusay na sila sa pagbasa, pagsulat, pakikinig at iba pa, hindi lamang ito dahil mas higit pa rito, natutunan nilang umunawa ng mga teksto o akda sa Filipino na kinakailangan ng mas malalim na pag unawa. Ang asignaturang Filipino ay mahalagang bahagi ng Junior High School dahil bawat baitang nakapokus ito sa mahahalagang paksa at mga akda. Gaya na lamang sa baitang 10 na binibigyang buhay muli ang akda ni Rizal na “El Filibusterismo” na kung saan nararapat na maunawaan nila ito maisadula sa paraang mahusay. Kung susuriin ay lubos na madaming hatid na mensahe para sa mga magaaral. Sa kabuuan masasabing ang baitang 10 ay kinakailangan ng kurikulum na mas lilinangin ang kakayahan ng mga mag aaral sa ibat ibang aspeto.

 

DISENYO AT LAWAK/SAKLAW

Ang ankop na disenyo sa kurikulum ay mahalagang mabatid dahil magiging basehan din ito upang matagumpay na maisakatuparan ang mga nilalaman ng kurikulum partikular na sa Filipino sa Baitang 10. May tatlong uri ng disenyo ng kurikulum at ang una rito ay ang Subject-Centered Curriculum o Nakasentro sa aralin kung saan binibigyang tuon ang isang partikular na paksa o disiplina na ihahain sa mga mag aaral, nakapaloob dito kung ano ang kailangan pag aralan at paano ito dapat pag-aralan sinasabing ito ang pinaka karaniwang uri ng kurikulum na ginagamit sa mga pampublikong paaralan at ito ay ayon kay Mikethorn (2020). Pangalawa naman ay ang Learner-Centered Curriculum o Naka-sentro sa magaaral binibigyang pokus rito ang kakayahan ng mag aaral kung saan hinahayaan sila na maipakita o mailabas ang kanilang mga natatagong talento. At ang huli naman ay ang Problem-Centered Curriculum o Naka-sentro sa problema, tuon nito ang mga nakikitang suliranin sa edukasyon dahil sa tingin ng marami ay ito ang pangangailangan upang mapagtagumpayan ang implementasyon ng kurikulum isa pa magbibigay lunas ang hakbang na gagawin dito sa nasabing mga suliranin. Ang disenyo ay masasabing isa sa mahalagang sangkap sa matagumpay na kurikulum kaya’t mahalaga na malaman ang angkop gamitin sa isang espesipikong larangan, upang makamit ng mga mag aaral ang matagumpay na pagkatuto.

 

LAYUNIN NG EDUKASYON SA SEKONDARYA -BAITANG 10

Bawat yugto ng edukasyon at bawat baitang ay may layunin na kung saan nakapokus sa ikabubuti ng mga mag aaral. Kasama rin sa layunin na ito kung paano higit na mapapataas ang bilang ng mga mag aaral na may maganda o mataas na marka. Bawat baitang ay may layunin o pamantayan na masasabi upang maging basehan kung naging epektibo ba ang kurikulum, at implementasyon nito, dahil nga marami ang mga nagiging salik sa pagbagsak o pagbaba ng marka ng mga mag aaral.At sa baitang 10 nilalayon at minimithi na makadebelop at makaprodus ng isang gradweyt o “completer” na mabisang komunikeytor. Ngunit kasabay pa rin nito ang patuloy na paglinang ng mga makrong kasanayan at patuloy na pagbibigay pansin sa pagtamo ng kasanayan sa akademikong wika. Maging paglinang sa pagpapakahulugan, pagsusuri at pagbibigay halaga sa paksa, kaalaman sa kasanayan at pagpapahalaga sa panitikang Filipino isama pa ang kasanayan sa pagkilala at paglikha ng ibat ibang uri ng panitikan.

 

 

MGA KASANAYAN SA BAITANG 10

Bukod sa patuloy na paglinang sa makrong kasanayan gaya ng pagbasa, pagsulat, pakikinig, pagsasalita at iba pa. Sa baitang 10 sa Filipino nililinang din ang kakayahang komunikatibo – abilidad sa maayos at makatarungang pakikipagtalastasan. Ayon nga sa talakay ni Emma Sarah (2018) ang kakayahang komunikatibo ay sumasaklaw sa kasanayan nakatuon sa mga tuntunin at dapat iasal sa paggamit ng wika. Isa pa nililinang din ang mapanuring pagiisip – pagiging mapagsiyasat sa maayos at mabuti, pagunawa at pagpapahalagang pampanitikan gamit ang teknolohiya at iba’t-ibang uri ng teksto at saling akdang pandaigdig tungo sa pagkakaroon ng kamalayang global.

PAGSUSURI SA KURIKULUM NG BAITANG 10

KALAKASAN

Ang kalakasan ay masasabing positibong bahagi ng kurikulum partikular na sa Baitang 10 sa Sekondarya o Junior High School. At base nga sa mga imporamasyon na nakatala ang kalakasan ng kurikulum sa baitang 10 partikular na sa asignaturang Filipino ay ang 1.) Patuloy na paggamit at pagpapayabong sa ng wikang Filipino. 2.) Naisasangkot ang maraming mag aaral sa mga makabuluhang aktibidad na humuhubog sa kanilang talent gaya ng mga pagarte sa dula, pag awit at pagsayaw sa mga piling aktibidad sa Buwan ng Wika.3.) Nabibigyan ng pagkakataon ang mga mag aaral na makatuklas ng kaalaman mula mismo sa kanilang sariling paraan dahil na din sa patnubay at gabay ng mga guro. 4.) Hinuhubog ang mabuting paguugali at kaasalan ng mga mag aaral sa mga piling paksa na tumatalakay sa pagiging makabansa.

KAHINAAN

Ang kahinaan ay mawawaring negatibo sa bahagi ng kurikulum at ilan dito ay 1.) Matatalinhaga ang ilan sa mga teksto na inihahain sa mga mag aaral. 2.) Oras na nakalaan sa talakayan bawat asignatura partikular na sa Filipino dahil karamihan sa mga paksa at gawain sa Filipino ay kinakailangan ng mahabang oras gaya ng mga dula-dulaan. 3.) Mga pagsusulit na kinakailangan lamang magkabisa upang masagutan, dahil dito bumababa ang kanilang pagunawa sa mga aralin.4.) Paggamit ng “online flatform” sa pagbibigay ng biglaang anunsyo dahil hindi lahat ng mag aaral ay may “access” dito o maging telepono. Dahil nagiging sanhi ito upang may malaktawan ang mga magaaral, ngunit kung alam ito ng mga mag aaral mayroon silang pananagutan.

MGA DAPAT BAGUHIN

Bilang estudyante na nagdaan din sa kurikulum ng Filipino sa baitang sampu masasabi ko na maganda naman ito at angkop sa mga dapat matutuhan ng mga mag aaral. Dahil maraming mga teksto na babasahin at maging mga gawain na kawili-wili. Ang akin lamang nais baguhin o bigyang pansin sa kurikulum o aralin sa baitang sampu ay ang suliranin sa mga teksto na labis na matatalinhaga at kahaba-haba dahil bukod sa kakaunti ang natutuhan ng mga mag aaral ay nakakaubos ito ng oras na nagiging sanhi upang huwag na lamang basahin at maging pagkawala ng interes sa babasahin. Mas magiging makabuluhan ang mga teksto na hindi masyadong matalinhaga dahil maraming matututuhan ang mga mag aaral isa pa magkakaroon pa sila ng sapat na oras upang linangin din ang pagsulat ng mga akdang pampanitikan dahil sa pagsulat nalilinang rin naman ang pagunawa at kritikal na pag iisip. Sa kabuuan, masasabing may parte ng kurikulum sa baitang 10 ang di nabibigyan ng interes ng mga mag aaral dahil na din sa kakulangan ng oras. Kaya’t maaari din na baguhin ang takdang oras para sa Filipino dahil marami ang mga paksa nito na dapat bigyang ng tuon.

 

SARILING MUNGKAHI

Sa aking palagay, masasabing may negatibo man ang pagkakabuo ng kurikulum ng Filipino sa baitang sampu. Ngunit mas masasabi pa rin na mas kailangang tignan ang positibong dulot nito. Aking maimumungkahi na dapat higit na bibigyang pansin ng programa ang oras ng implementasyon dahil kahit akma o angkop pa ang nabuong kurikulum ngunit may kakulangan sa oras ng talakayan rito ay hindi pa rin makakamit ng mga mag aaral ang kompetensi na nakatala sa lesson plan ng mga guro. Isa pa, bigyang pansin din ang mga kagamitan sa pagkatuto gaya ng mga aklat dahil ito ang magsisilbing gabay ng mga mag aaral lalo na sa kanilang mga takdang aralin ng sa gayon ay angkop ang kanilang makuha at maunawaan na datos o impormasyon tungkol sa paksa. Higit pa rito ninanais ko bilang guro sa hinaharap sa sekondarya partikular na sa Filipino na sana ay bigyang pagtataya ang kurikulum bawat taon ng sa gayon ay malaman din ng mga guro ang nararapat na bigyang pansin o ang mga dapat baguhin sa kanilang estratehiya. Dahil mahirap ang ginagampanan ng guro lalo na dumarami ang bilang ng mga mag aaral sa loob ng isang silid at hindi lahat ng kahinaan o kakulangan ay kanilang mapupuna at mabibigyan ng oras lalo na kung ang sulranin ay nasa mismong nilalaman ng kurikulum. Dahil ayon nga DepED noong (2013) ang pagtatasa at pagtataya ay mahalagang bahagi ng pagtuturo, dahil dito nasusukat ang antas ng pagkatuto ng magaaral at kalidad ng pagtuturo.

 

SANGGUNIAN

https://www.academia.edu/19897907/Filipino_Gabay_Pang-Kurikulum_Baitang_1_-_10?auto=download

https://www.slideshare.net/mobile/luvy15/ang-pagtuturo-ng-filipino-sa-batayang-edukasyon

https://m.facebook.com/notes/rene-bendal/ang-filipino-sa-kurikulum-ng-edukasyong-sekundarya/584154181961641/

https://www.coursehero.com/file/51193383/Disenyo-ng-Kurikulumdocx/

https://www.academia.edu/31575690/KABANATA_II_MGA_KAUGNAY_NA_LITERATURA_AT_PAG-AARAL

https://guroakongmatapat.files.wordpress.com/2013/06/sesyon-6-pagtatasa-at-pagtataya.pdf

https://www.slideshare.net/mobile/emmasarah790/kakayahang-komunikatibo

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Isyung pangwika na kinakaharap ng Wikang Filipino sa kasalukuyan

PAGSUSURI NG KURIKULUM SA ELEMENTARYA 2

Pananaliksik Draft ng Kabanata 1 (Isang Halimbawa)