A. Isyung pangwika na kinakaharap ng Wikang Filipino sa kasalukuyan
Ang ating wika ay maraming kinahaharap na isyu sa kasalukuyan ngunit nais ko lamang bigyan ng malawak na pagpapaliwanag ang tatlong isyu na kabilang dito. Ang una ay kakulangan sa bokabularyong Filipino. Karamihan sa atin ay hindi ganoon kalawak ang mga kaalaman sa ating wika kung kaya't nahihirapan silang magsalita ng Filipino at nahahaluan pa ng wikang Ingles. Mas nagkakaroon pa ng interes ang iba sa pag-aaral ng ibang wika kaysa sa Filipino bunga ng mga palabas at artista na kanilang napapanood na galing sa ibang bansa. Kung tutuusin ay marapat na mas bigyang pansin natin ang ating wika dahil ito ay yaman ng ating bansa. Pangalawa ay ang kaisipang madali lang ang asignaturang Filipino. Katulad na lamang noong ako'y nasa ika-siyam na baitang, mababa ang tingin ko sa asignaturang Filipino dahil iniisip ko na ito ay pangkaraniwan lamang ngunit noong nasubukan ko na magsaliksik patungkol sa asignaturang ito ay mas naintindihan ko na hindi lamang pala ito simpleng pag-aaral sapagkat mas malawak pa ang sakop na ito. Karamihan sa mga tao ngayon ay iniisip na madali ang asignaturang ito dahil kagaya rin ng naiisip ko noon o may iba pang dahilan ngunit hindi dapat mababaw ang pagtingin natin dito dahil parang mababaw na rin ang pagrespeto natin sa ating lahi. Dapat na maging bukas ang ating isipan na ang wikang Filipino ay marapat na bigyan ng tamang pagpapahalaga na mangagaling mismo sa ating mga mamamayan ng bansang Pilipinas. At pangatlo ay mga maling baybay, grammar at panuntunan ng paggamit ng salita sa Facebook. Ito ay ang nagiging resulta sa naunang isyu na aking nabanggit. Dahil sa kakulangan sa bokabularyo at kaisipang madali lang ang asignaturang Filipino ay nahihirapan o hindi napapansin ng karamihan na ang paggamit nila sa ating wika ay mali. Marami akong nakikita na ganitong sitwasyon sa Facebook. Mas magaling pa sa pagsasalita o pagbaybay ng mga salita sa ibang wika kaysa sa ating wikang pambansa. Hindi masamang mag-aral ng iba pang wika ngunit mas mahalagang malaman muna natin ang kahalagahan ng ating wika bago ang iba. Para lamang itong mahalin muna ang sarili bago ang iba.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento