Katangian ng Maikling Kuwento
Ang maikling kuwento ay tuluyang akdang pampanitikan na nag-ugat sa mga sinaunang anyo nito na mitolohiya, alamat, parabula, pabula, at anekdota. Isa sa mayamang genre ng panitikang Pilipino ang maikling kuwento. Mula sa iba't ibang patimpalak na lumabas sa Pilipinas ay maraming mabubuting maikling kuwento ang nailahok at nagwagi. Mga akdang hindi matatawaran ang husay sa banghay at nilalaman nito.Ano nga ba ang katangian ng isang maikling kuwento upang masabing ito ay isang mahusay na akda?
Umpisahan natin sa katangian na dapat ang isang maikling kuwento ay nagtataglay ng iisang kakintalan o ito ay naghahatid ng impresyon sa mambabasa. Bawat maikling kuwento ay may kaisipan o mensahe na nagsisilbing payo o mungkahi sa mga mambabasa ukol sa mabubuti kaugalian o paniniwala. Ikalawa, katangian rin ng maikling kuwento na ito ay may iisang pangunahing tauhan lamang. Dahil sa ito nga ay "maikling" kuwento kung kaya't umiikot ang pangkalahatang kaganapan o mga pangyayari sa iisang tauhan lamang na nagsisilbing pinakatampok ng banghay ng mga pangyayari. Ikatlo, batay sa isang pangunahing tauhan, siya rin ang dapat na mayroong suliranin na kuwento kung saan ito ang sanhi ng mga pangyayari o pagkakaroon ng kuwento hanggang sa ito ay magkaroon ng solusyon o kalutasan. Ikaapat, ang maikling kuwento ay may katangian rin na tumatalakay sa isang madulang parte o bahagi ng buhay. At ikalima, bagamat maikli lamang ang kuwento ito ay mayroong mabilis na pagtaas ng kawilihan hanggang sa kasukdulan at kaagad na sinusundan ng pagwawakas.
Iba pang masasabing katangian ng isang maikling kuwento ay pagkakaroon nito ng masinsing paglalarawan ng tauhan o ma tauhan, mayroong payak na banghay, ito rin ay gumagamit ng sagisag at mga pahiwatig.
Sa madaling salita, ganito kasalimuot sumulat ng isang maikling kuwento sapagkat sa pagkakaroon nito ng mga katangiang lumilinang ng pagiging masining o malikhain nito.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento