Pagbasa Aralin 1 Suriin - Layunin ng mga uri ng teksto, Mahalagang mabatid ang uri ng teksto, Makatutulong ang pagtukoy ng uri ng teksto
1. Ano-ano ang mga layunin ng mga uri ng teksto?
Ang bawai isa sa mga uri ng teksto ay mayroong iba't ibang layunin. Una, ang layunin ng tekstong impormatibo ay makapaglahad ng mga bagong kaalaman, pangyayari, paniniwala at mga impormasyon. Layunin nito na maging daluyan ng makatotohanang impormasyon para sa maraming mambabasa. Ikalawa, ang tekstong deskriptib naman ay may layuning makapagbigay ng mabisang paglalarawan, layon nito na makapagpinta ng imahe sa hiraya o isipan ng mga mambabasa gamit ang limang pandama. Ikatlo, ang tekstong persuweysib naman ay may layuning makapaglahad ng mga pahayag na mahihikayat, makukumbinsi o mapapapayag ang mambabasa sa posisyon na inilalahad ng may-akda. Ikaapat, ang tekstong naratib naman ay may layuning na magkuwento o maglasaysay ng isang pangyayari na maaaring nakita , hango sa sariling karanasan o likhang isip. Ikalima, ang tekstong prosidyural naman ay naglalayon na magpaliwanag kung paano isinasagawa o binubuo ang isang bagay. At huli, ang tekstong Argumentatib, ito naman ay naglalayong makahikayat, mapasang-ayon at pumanig sa kanyang proposisyon ang mga mambabasa.
2. Bakit mahalagang mabatid ng isang mambabasa ang uri ng tekstong binabasa?
Mahalagang mabatid ng isang mambabasa ang uri ng tekstong binabasa upang maging mas mabisa ang kaniyang pagbabasa. Sa pamamagitan ng pagtukoy ng uri ng teksto ay mababatid rin ng mambabasa kung anong uri ng nilalaman, impormasyon o kabatiran ang inilalahad nito kaya't nakahanda ang mambabasa sa matatamong niyang kaalaman, Gayundin sa pamamagitan ng pag-alam ng uri ng teskto ay maihahanda ng mambabasa kung ano ang kanyang maaaring asahan balangkas o pagkakahanay ng nilalaman ng teksto dahil sa pagkakaiba-iba ng layunin ng bawat uri ng teksto. Ang isang mahusay na mambabasa ay matutukoy niya ang uri ng teksto kanyang binabasa, at sa pamamagitan nito ay napahuhusay ang kanyang pag-unawa sa teksto dahil sa nakikita niya ang kalakasan ng uri ng teksto at mga natatanging katangian nito sa uring taglay nito at nababalangkas rin nang maayos sa isipan ng mga mambabasa.
3. Sa iyong palagay makatutulong ba sa iyo ang pagtukoy sa uri ng binabasang teksto? Bakit? Pangatwiranan.
Malaki ang maitutulong ng pagtukoy ng uri ng binabasang teksto dahil sa madali ring matutukoy ng mambabasa ang kalakasan ng ipinapahayag na impormasyon ng teksto. Kung mababatid ng mamabbasa ang uri ng teksto ito ay nangangahulugan rin na nasusuri niya kung ano at paano isinulat ang isang teksto, sa pamamagitan nito ay maayos din na maisasalansan sa kanyang isipan ang pagkaunawa sa nilalaman ng teksto. Kung ang isang teksto ay kakikitaan ng mahalagang impormasyon mainam na ito ay hanapan ng katibayan ng konsepto sa paglalahad ng akda. Mainam din na mabatid muna kung ang nilalaman ng isang teksto ay angkop o akma sa uri o antas ng mambabasa nito. Mahalaga din na mabatid ang layunin, nilalaman, at maging kung sino ang sumulat ng teksto upang matukoy ang kapakinabangang hatid nito.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento