Sipi: Suyuan sa Tubigan ni Macario Pineda

 Sumisilip pa lamang ang araw ng

kami'y lumusong sa landas na patungo sa

tubigan ni Ka Teryo. kasabay namin si Ka

Albina na kasama niyang si Nati at ang

kanyang pamangking si Pilang. Ang tatlo'y may

sunong na mga matong ng kasangkapan at

pagkain.

"Ang Ka Teryo mo'y hindi

makakalusong. Masidhi na naman ang

rayuma," wika ni Ka Albina sa akin. "Kung di

nga lang lubugin ang tubigan naming yaon ay

naurong sana ang pasuyo namin ngayon.

Mahirap ang wala ang Ka Teryo mo."

"Maano naman ho iyon," tugon ko.

"Nariyan naman si Ka Ipyong at si fermin."

"Ilan ang natawag ninyo, Ka Albina?"

tanong ni Ore." Aanim pa kaming

nagkakasabay-sabay ngayon."

"Wika ni Ipyong ay baka raw umabot

sa dalawampu kayong lahat."

Nilingon ni Pakito ang

dalawangdalaga. "Kaya pala mukhang mabigat

ang mga matong na iyan. kay raming pagkain

marahil," wika niya.

Nagtawa si Nati. Tila nga naman

nagpapahiwatig ng malaking gutom ang

panannalita ni Pakito. Si Pilang ay walang imik

at tila matamang pinagmamasdan ang landas

na tinalunton. Magaganda ang mga paa ni

Pilang. Ilang sandaling pinagmasdan ko ang

kanyang banayad na paghakbang.

Sinutsutan ni Pastor ang kanyang

pinauunang kalakina hanggang maagapay siya

kay Nati, "Aling Nati," wika niyang nakatawa,

"ako na ho sana ang pasunungin ninyo ng

matong na iyan."

nagtawanan kami. Sinulyapan ni Nati

si Pastor. "Salamat ho," tugon niya. "Diyan ho

lamang sa araro at kalabaw ninyo ay

napuputot na kayo, magsusunong pa kayo ng

matong. Nais ba ninyong matambak?"

"Bakit hindi mo aluking sunugin ang

matong ni Pilang?" wika ni Pakito. "Si Nati ba

lamang ang pinahahalagahan n'yo?"

Lalo kaming nagkatawanan. Si Pastor

ay halos pagulantang na tumawa kay Pakito.

At lumingon si Ka Albina sa amin alangang

matawa, alangang magalit ang anyo ng

kanyang mukha.

Pinamulahan ng mukha si Pilang

ngunit kahit isang ngiti ay wala siyang isinalo

sa aming katuwaan. Patuloy ang banayad

niyang paghakbang. At tila lalong mapuputi

ang kanyang binti sa ibabaw ng putikang

landas. Si Ore ay napansin kong dahan-dahang

nagpatihuli. Nang lingunin ko siya ay napansin

kong tila may malalim na iniisip ang binata ni

Ka Inso.

Nang Kami'y dumating sa tubigang

aararuhin ay malapit nang makatapos ng

pagtitilad si Ka Ipyong at si Fermin. Sa hindi

kalayuan ay natanaw naming dumating sina Ka

Punso, Ka Imong, Toning , Ilo, at Asyong. Sa

malayo ay may ilan nang dumarating na hindi

namin mapagpasiya.

Tinitigan ni Filo ang kalabaw ni

Fermin. "Tila pusang nanunubok kung humila

ang kalabaw ni Fermin," wika niya sa amin.

"Mangyari'y nagpapagawa naman ng

bahay si Fermin," pagtatangol sni Pakito.

"Hayan nga naman, mayroon na silang bahay."

"Parang bakal naman ang kalabaw na

iyan," wikani Ore, "At saka matakaw pa. Kupi

kasi ang sungay kaya matigas."

"Siyanga," ayon ni Yoyong. "Talaga

namang ibang-iba ang mga hita ng kalabaw na

iyan."

Pinagmasdan ko si Bonita ko. "Paano

kaya ang matsora ko? Huwag di mahirapan ay

ayaw nang kumain. Ayaw magtakaw.'

Nalingunan ko si Pastor na nakaupo

sa tabi ni Pilang at tumutulong sa dalaga sa

pag-ayos ng mga kasangkapang gagamitin.

"Huwag na, Pastor," wika ng dalaga.

"Piniritong kamote at kape lamang ang

ihahain. Kaya na namin ni Nati iyan."

"Bakit mo naman tinatanggihan ang

aking pagtulong?" tanong ni Pastor. Nang

yumuko si Pilang upang hanguin ang iba pang

mga kasangkapan ay nakita kong sumulyap ang

binata sa dalaga.

Nilingon ko si Ore. Ang binata ay

nakaupo at tila ang kanyang guyurang

pinagdurugtong lamang ang kanyang nakikita.

Mapulang-mapula ang mukha ni Ore.

Nang dumating sina Ka Punso ay ang

kalabaw ni Asyong na bagong bii ang aming

pinagkulumutan.

Walang malamang tugunin si Asyong

sa aming mga pagtatanong, "Dalawa't kalahati

ng aba iyan, Asyong?" "mabuti ba sa tubigan?"

"Tila maliksi! Mainam ang mga braso."

"Tuyong-tuyo ang mukha." "May ilalabas ang

kalabaw na iyan." "Hindi naman lubhang

malaki ano?" "Ano kaya? maiharap kaya natin

iyan sa kalakian niKa Pedro?" "Saan mo nabili,

Asyong?" "Sino ang kasama mong pumili?"

"Si Punso yata ang kasama niya,' wika

ni Ka Imong. Nilingon namin si Ka Punso na

hindi nakikisalamuha sa aming pagkakagulo sa

kalabaw ni Asyong. "Hoy tsip," wika namin,

"kaya ka pala nagmamalaki ay ikaw ang may

tuklas nito, a."

Nagtawa si Ka Punso. "Paano pa. Sa

lagay ba'y asin ko na'y lako ko pa?" At

nagtawanan

kaming lahat.

"Halina kayo." tawag ni Ka Albina sa

amin. 'Nakahanda na ang kape. Magpainit

muna kayo ng tiyan."

Gumawi ako sa dalawang dalagang

nag-aabot ng mga tasa ng kape at mga pinggan

ng piniritong kamote. 'Maaari na ba akong

maging serbidor diyan?" wika ko kay Nati.

Bigla akong inabutan ni Nati ng isang

tasa ng kape. "Kumain ka na lang, lalaki ka.

Tinawag ka rito upang mag-araro, hindi upang

magserbidor."

Lumapit si Pastor kay Pilang. Kitang-

kita ko nang abutin niya ang tasa ng kape ay

kusa niyang sinapupo ang mapuputing daliri

ng dalaga. Kaunti nang maligwak ang kapeng

mainit. "Salamat," wika pa ng saragateng si

Pastor. Kumislap ang mga mata ni Pilang

ngunit hindi siya nagsalita gaputok man

Lumapit si Ore sa aking

kinatitingkayaran. Mayroon pang isang tasang

kape na tinimplahan ni Pilang ng asukal: akal

ko'y kay Ore ibibigay yaon. Ngunit si Ore kay

Nati Lumapit. Si Nati ang nagbigay ng kape at

kamote kay Ore.

Habang nagkakainan kami ay

pasulyap-sulyap akokina Nati, Pilang, Ore, at

Pastor. Makailang nagpalitan ng

makakahulugang titig sina Nati at ore. Si

Pastor at laging kay Pilang nakasulyap. Ang

dalaga naman ni Ato ay laging nakatungo sa

kanyang ginagawa. Ngunit ngminsang mahuli

niyang sa kanya nakatitig si Pastor ay

pinamulahan siyang gayon na lamang ng mga

pisngi. At dagli niyang inayos ang kanyang

saya upang matakpang mabuti ang kanyang

binti.

Pagkatapos ng kainan ay

nagsipagsingkaw na kami. At siyang pagdating

ni Pekto. Nagpapatakbo ng kalabaw na

nakasingkaw na sa araro ang binata ni Ka

Gabino. At Humihiyaw, 'Kaunti na akong

mahuli sa pista... kaunti na akong mahuli..."

Kay saya ni Pekto at kay liksi niya sa pag-

aangat ng kanyang araro kung nilalampasan

niya ang mga pilapil. Si Pekto ang may sabi sa

akin na kung mayroon daw suyuan sa tubigan

ay tila,ay pista ang mga magsasaka. Makisig

dangan kasi ang kalakina ni Pekto.

Naunang napalakad si Ka Punso. At

kami'y nagsunod-sunod. Ikalabin-lima ako sa

hanay. Ang sinusundan ko'y si Ka Imong.

'Huwag muna kayong bubugaw. bayaan muna

nating mag-init-init ang ating mga kalabaw,"

wika ni Ka Imong.

Nilingon ko sina Ore at pastor.

Nahuhuli sila nang isang unat-suga sa amin.

Ang dalawa'y tila nagkakahiyaang hindi ko

mawari.

Nang tanawin ko ang dalawang dalaga

ay nakita kong nanonood sila ng tila paradang

ayos ng aming mga kalabaw.

Nakalimang likaw muna kami bago

bumugaw si Toning. Nang matilamsikan ng

putik si FIlo ay bumugaw na rin ito. At ng

maramdamam ni Asyong at ni Ka Punso ang

kilusan sa kanilang likuran ay lumingon ang

dalawa. Nakatawa si ka Punso. Ang kanyang

kalabaw ay tila nakikimatyag. Sanay na sanay

sa mga katuwaan ng suyuan ang kalabaw na

iyon.

Si Uwing, na pagdating nagtilad na sa

ikatlong pitak, ay humiyaw sa amin. "Arya na

kayo... arya na..." hiyaw niya. Tila ko nakita

kahit mula sa malayo ang dalawang ngiping

usos ni Uwing. Para kong nakikitang ang

dalawang ngiping yaon ay tatawing-tawing sa

kanyang pagsasalita. Nagunita ko tuloy ang

mga ngiping pantay-pantay ni Pilang,

mapuputi at nagkikislapang anaki'y nakar.

Nilingon ko si Ore at Pastor. Tila

nagkakahiyaan pa rin ang dalawa.

Binanat ni Ka Punso ang kanyang

pamitik. Umigpaw ang kanyang kalakian.

Sinutsutan si Asyong ang kanyang bagong bili.

Nagkapitikan kami ng aming mga kalabaw.

Nagbugawan kami. Nag-umalon ang mga

kalamnan ng mga hita ng aming mga katulong.

Sumagitsit ang subsob kung bungkalin ang

malagkit na putik. halos kumalabog ang lupa

kung ibaliktad ng lipya. At nagtayo ang mga

ulo ng aming mga kalabaw. tila nahahalata ng

aming mga katulong na hindi nila dapat isubo

sa kahihiyan ang kanilang mga panginoon.

At sa gayon ay madaling natapos ang

malaking pitak na nilusungan namin.

gayunman mataas-taas na rin ang araw ng

kami'y lumipat sa pitak na tinilad ni Uwing.

"Halina muna kayo." hiyaw ni Ka

Albina. 'Magminindal muna kayo bago simulan

iyan."

"Nariyan na kami," hiyaw ni Ka

Punso, sabay pitik sa kanyang kalakian.

Sunod-sunod kaming pumitik, nagbugawan

kami, naghiyawan kami. Nagpanakbuhan ang

mga kalabaw. Sumagitsit ang tubig, tumilapon

ang putik, kumikislap ang mga sudsod at lipya

sa liwanag ng araw. Kay saya ng aming

hiyawan at tawanan. At namamaibabaw ang

tinig ni Pekto. "Pista... pista ng magsasaka."

Kaning mainit, bukayong niyog, at

adobong manok ang aming minindal.

Nagmamadali tuloy ako sa pag kakalag kay

Bonita. ngunit nang makakain na kami ay saka

lamang namin napansin sina Pastor, Ore at

Tinong pala ay kasalukuyang nasusubukan sa

tarakan sa ikatlong pitak. Nauuna si Pastor,

sumusunod si Ore, nasa hulihan si Tinong.

"Salbahe talaga yang si Tinong," wika

ni Ka Punso. "Tiyak na siya ang nagbuyo sa

dalawa. Nagkakainisan ba ang dalawang iyan?"

Malimit ang hiyaw ni Tinong sa

kanyang kalabaw ngunit sina Pastor at Ore ay

walang imikan. Banat na banat ang kanilang

mga pamitik, pigil na pigil ang mga ugit ng

kanilang mga araro, nag-uumalon ang mga

kalamnan sa mga hita ng kanilang mga

kalabaw.

At sumusubo lamang kami ng pagkain

ay nasa malayo ang aming isip at mga mata.

Sinulyapan ko ang dalawang dalaga.

Nakatawang nanonood si Nati. Si Pilang ay

nakatungong may kung anong inaayos.

Bahagya na siyang mapasulyap sa tatlong

nagtatarakan.

"Noong si Juana ay aking nililigawan

ay nakatagpo kami niyong taga-Dalig sa

pasuyo ni Tandang Lucio sa Nabao," wika ni

Ka Punso. "Alam kong nais niyang gumiri kay

Juana. Maganda ang kalabaw ng taga-Dalig na

yaon. Ang gilas ng tindig - kung masisindakin

ka'y sasabihin mong mahirap girian nang

gayun-gayon lamang." Kumislap ang mga mata

ni Ka Punso.

Mangyari pang di si Pekto ang

hahabol sa pangyayari. "Ano ang nangyari Ka

Punso?" tanong ng binata ni Ka Gabino,

"Nagkahiritan ba kayong mabuti?"

"Nahuhuli ako. At sampung likaw na

yata ay hindi ko pa mahalataan ang kalabaw

niya. Ang kalabaw ko naman ay napapansin

kong ibig nang tumigil. Bumubula ang ang

bunganga. Palagay ko'y abot na ang hingal."

Tinanaw ko ang tatlong nagsusubukan.

Naiiwan na si Toning. Nagkakabuntutan pa rin

ang mga kalabaw nina Ore at Pastor.

"Noong nakadadalawangpung likaw na

kami marahil ay pinilantik ng taga_Dalig ang

kanyang kalabaw. Akala niya marahil ay

maiiwan na ako. Sa pilantik niyang iyon ay

akalain ninyong biglang mahiga ang kanyang

kalabaw. Kay lalim ng lubak na ginawa." kay

lakay ng halakhak ni Pekto.

"At ang kalabaw mo Ka Punso?"

tanong ko, "hindi ba nahirapan?"

Nagtawa nang malakas si Ka Punso.

"Anong hindi nahirapan? Ang sabihin mo'y

ayaw man lamang tumayo kinabukasang

ipagsuyod ni Ama. Kaunti na akong

hambalusin ng urang ni Ama." Lalong

napalakas ang tawanan. Tinamaan tuloy ako sa

ilong ng isang butil ng kaning nanggaling sa

bibig ni Ka Punso.

Patuluyan ng tumigil si Toning.

Pinanonood na lamang niya ang nag tatarakan.

May labinlimang likaw na ang kanilang

nadaraanan ay hindi pa nagkakahiwalay ang

dalawa. Napabuntong-hininga ako nang

pilantikin ni Ore ang kanyang kalabaw. Mula

sa kinauupuan namin ay tila ko nakita ang

mukha ni Ore - kunot ang noo, tiim ang mga

ngipin, tikom ang mga labi, pigil na pigil ang

ugit ng araro, at halos magsugat ang kaliwang

palad sa pagbanat ng pamitik. Napapaangat

ako sa bawat hakbang ng kalabaw ni Ore.

Batid kong ang buong lakas ng kaisipan ni Ore

ay nakatuon sa likuran ng kanyang kalabaw.

At wari'y malikmatang gumuhit sa

balintataw ng aking mga mata ang mga liham

ng dulang nangyari na sa paligid-ligid ng mga

tubigang yaon: si Ka Punso't Ka Juana, si Ka

Imong at si Ka Marta, si Fermin at si

Gundang, si Asyong at si Auring, si... mga

pasalising tagpo sa malaki't lalong

makabuluhang dula ng buhay.

Muling pumilantik si Ore. Umigpaw

ang kanyang kalabaw. Nakatawang lumingon si

Pastor. Hindi pa siya pumipilantik ay

nakakadalawa na si Ore.

Nilingon ko si Nati. Ang dalaga ni Ka

Albina ay napapatunganga sa panonood ng

pagsusubukan. Si Pilang ay nakatungong

naglilinis ng mga pinggan. Mapulang-mapula

ang mga pisngi ng dalaga.

Pumilantik si Pastor. Umigpaw ang

kanyang kalabaw. Unti-unting naiiwan si Ore.

Ngunit ang kalabaw nito ay lalong nag-

uumunat. Tila may isip ang kalakian ni Ore sa

pagsunod sa kalabaw ni Pastor. Isang pamitik

na ang agwat ni Pastor kay Ore. At damak-

damak na palayo si Pastor. Naghiyawan kami.

Pumilantik si Ore at sinabayan ng

isang sutsot. Lalong nag-umahon ang mga

kalamnan sa mga hita ng kanyang kalabaw.

Umigpaw ang kalakian. Muling pumilantik si

ore. Lalong bumilis ang hakbang ng kanyang

kalabaw. At sa layo nang dalawang unat-suga

ay unti-unting umabot si Ore kay Pastor. Isa

pang pilantik. Nag-umunat angkalabaw ni Ore.

Bumubula ang bunganga ng kalakian. Yuko ang

ulo at lahat ng lakas ay ibinigay na. Lalo

kaming naghiyawan.

Lumingon si Pastor. Nakita niyang

umabot na sa kanya si Ore. Itinaas ni Pastor

ang kanyang pamitik. Sinutsutan niya ang

kanyang kalakian. At saka sinabayan ng isang

makalatay na pilantik. Umigpaw ang kalabaw.

Lalo naman nag-umunat ang kalakian ni Ore.

Mayroon pa kayang ilalabas ang bumubuntot

na kalabaw? At naghiyawan kami nang malakas

nang aming makitang pagkatapos ng ilang

makalagot-litid na pagpupumilit ay biglang

tumigil ang kalabaw ni Ore. Talagang makisig

ang kalabaw ni Pastor.

"Magkalag muna kayo," hiyaw ni Ka

Punso."Naghihintay ang pagkain... Pastor,

magkalag muna kayo."

Tumigil si Pastor. Kinalagan ang

kanyang kalabaw. Pagkatapos masabuyan ng

tubig ay nakatawang lumapit sa amin.

Nilalamas pa ni Ore ang batok ng kanyang

kalabaw na abot-abot ang paghingal.

Inabutan ni Pilang ng pinggan si

Pastor. Namumula ang mga pisngi ng dalaga.

'Ore," hiyaw ko. "Halika na. Kumain

ka na at ako na ang magsasaboy ng tubig sa

kalabaw mo."

Dahan-dahang lumapit sa amin si Ore.

Mapulang mapula ang kanyang mukha. At

paulit-ulit niyang ikinukuskos ang kanyang

mga palad sa kanyang pantalong maong.

Malinis na malinis na ang palad ni Ore ay

kuskos pa rin siya nang kuskos. Naiisip ko

tuloy: mayroon kayang putik ang kanyang mga

palad na siya lamang ang nakakakita?

"Talagang matikas ang kalakian ni

Pastor," wika niya.

Naupo si Ore, ilang hakbang ang layo

kina Nati at Pilang. Tinanaw ko si Pastor -

kumakain na siya sa tabi ng dalawang dalaga.

Nang ako'y tumayo upang tunguhin

ang kalabaw ni Ore, nakita kong palapit si

Pilang sa binata. At doon sa kinauupuan ng

binata - ilang hakbang ang layo sa karamihan -

doon siya dinulutan ni Pilang. Ano kaya ang

kanyang sinasabi kay Ore?

Nang ako'y muling tumanaw mula sa

aking pagsasaboy ng tubig sa humihingal na

kalabaw ay nakita kong tila naibsan na ng

hirap si Ore. At mula sa kinatatayuan ko, ang

mga binti ni Pilang ay tila lalong mapuputi.


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Isyung pangwika na kinakaharap ng Wikang Filipino sa kasalukuyan

PAGSUSURI NG KURIKULUM SA ELEMENTARYA 2

Pananaliksik Draft ng Kabanata 1 (Isang Halimbawa)